04 Disyembre 2025 – Sa pagpapatuloy ng kampanya para sa mas abot-kayang pamasahe para sa mga mag-aaral, senior citizens at may kapansanan (PWDs), matagumpay na ginanap ang beep™ Card Caravan sa University of the East Ramon Magsaysay (UERM) campus sa lungsod ng Quezon.
Ang beep™ card caravan ay pinangunahan ng Department of Transportation (DOTr), sa pakikipagtulungan ng AF Payments Inc. (AFPI) at ng nangangasiwa ng UERM upang makapaghatid ng mas mabilis na pagkuha ng concessionary (white) beep™ cards na may fifty percent (50%) na diskwento sa pamasahe sa LRT-1, LRT-2 o MRT-3.

Sa araw ng caravan, nagtungo ang mga aplikante sa Admin Building upang makapagpalista at agad makuha ang kanilang concessionary cards on-the-spot. Mula sa pagkuha ng queueing number hanggang sa release ng card, kapansin-pansin ang maayos, tuloy-tuloy, at mabilis na proseso ng beep™ card application. Tiniyak din ng beep™ card caravan team na maipaliwanag nang mabuti ang mga alituntunin at hakbang sa pag-aapply, kabilang ang pag-load ng card, pag-protekta sa card, at mga dapat gawin sakaling ang card ay mawala.

Ibinahagi ng isang mag-aaral sa UERM ang kanyang nagging karanasan: “Smooth, diret-diretso yung pila. Na-explain mabuti yung process ng pagkuha at kung paano mag-paload. Nagco-commute ako papunta at pabalik ng bahay. ‘Yung 50% discount, pag kinuwenta mo for the whole year—malaki ang tipid.”

Isang mag-aaral ng medisina ang naglahad ng kanyang pasasalamat: “Comfortable at mabilis yung process. Engaging yung staff at na-inform kami sa mga kailangan namin malaman tungkol sa beep™ card. Bilang daily user ng LRT, malaki ‘yung tipid na 50%.”

Ramdam sa buong UERM community ang tunay na layunin ng beep™ card caravan na gawing mas abot kaya at mas magaan sa bulsa ang pagbiyahe ng mga estudyante, lalo na ng mga araw-araw humaharap sa hamon ng pag-commute. Sa pamamagitan ng Concessionary Card Issuance Program (CCIP), patuloy na isinusulong ng AFPI at DOTr, sampu ng mga organisasyon at mga insitusyong nais magtaguyod ng mga susunod pang caravan ang maayos, ligtas at inklusibong serbisyo para sa kapakanan ng lahat ng mananakay.
Lubos na nagpapasalamat ang mga nag-organisa ng beep™ card caravan sa mga taga-UERM sa mainit nilang pagtanggap sa programa at sa kanilang walang-sawang pakikipagtulungan sa ngalan ng mga mag aaral.
Abangan ang susunod na beep™ Card Caravan. Baka sa campus niyo na kami susunod na masilayan!






