13 Disyembre 2025 – Natunghayan ng mga mag-aaral, guro at mga empleyado ng Graduate School ng National Teachers College (NTC) sa Lungsod ng Maynila ang mas mabilis at mas maginhawang pagkuha ng personalized concessionary (white) beep™ card sa pamamagitan ng beep™ Card Caravan, sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr), AF Payments Inc. (AFPI), at ang mga nangangasiwa ng NTC.

Sa halip na pumila pa sa mga istasyon ng MRT at LRT, ilang minuto lamang ang inabot ng pag-apply ng concessionary (white) beep™ card sa loob ng NTC campus. Marami sa mga graduate students ang agad nakinabang sa fifty-percent (50%) na diskwento sa pamasahe sa tren, na itinuturing na malaking tulong lalo na sa mga araw-araw na pagpasok sa eskwelahan, lalung-lalo na sa mga working students na kailangang mag-budget ng kanilang gastusin habang nag-aaral.

Isang estudyanteng kumukuha ng Master of Arts in Education (Major in English) na bumibiyahe pa mula Bulacan ang nagbahagi ng kanyang karanasan sa pagkuha ng kanyang beep™ card:
“Very beneficial po ito para sa akin. Sumabay lang kami today at in-offer nila na magkakaroon ng place dito sa school para sa beep™ cards. Ilang minuto lang po, tapos na agad ang proseso. Very quick, very easy, at very approachable ang mga staff na nag-handle ng application ko. Hindi ko po alam na may 50% discount na pala pag sumasakay ng tren. Malaking tulong po ito sa mga estudyanteng araw-araw na pumapasok para sa face to face na classes. Kahit sabihin na nating barya lang, sobrang laki na po ng tulong pag ginamit ang concessionary beep™ card.”

Para naman kay Jason, isang estudyanteng kumukuha ng Master of Arts in Physical Education at kasalukuyang working student, malinaw ang ginhawang dulot ng beep™ card caravan:
“Yung process ng pagkuha ng beep™ card, sobrang easy at fast, hindi tulad kapag pipila ka pa sa MRT o LRT stations para mag-apply. A mater of seconds lang may beep™ card ka na. Kami pong pinagsasabay ang pag-aaral at pagiging working student, kailangan talagang makatipid sa mga araw-araw ng gastusin. Malaking tulong ito sa amin kasi nababudget namin yung natitira naming pera para sa tution fee at iba pang educational expenses.”

Ipinapakita ng aktibidad na ito kung paanong ang simple, mabilis, at maayos na serbisyo ay may direktang epekto sa araw-araw na buhay ng mga mag-aaral at iba pang concessionary patrons, gaya ng senior citizens at may kapansana (PWDs). Sa bawat minutong natitipid at bawat pisong naiiwasan sa pamasahe, mas napapadali ang pag-aaral at pagtatrabaho ng mga NTC Graduate School students.
Patuloy na isinusulong ng beep™ Card Caravan ang mas accessible, inclusive, at commuter-friendly na karanasan sa pagbibiyahe sa tren, lalo na para sa sektor ng edukasyon at mga working students.
Maaari pa ring kumuha ng personalized (white) concessionary beep™ card sa anuman istasyon ng LRT o MRT araw-araw. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Concessionary Card Issuance Program (CCIP) sumangguni lamang sa aming website: https://beep.com.ph/concessionary/.
Abangan ang mga susunod pang beep™ card caravan upang makakuha ng inyong beep™ card!






