09 Disyembre 2025 – Naghatid ng saya, tipid, at mas magaang commuting experience ang beep™ Card Caravan nang pasinayaan ito sa Adamson University, Maynila ngayong araw. Sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr) Automated Fare Collection System-Program Office (AFCS PO), AF Payments Inc. (AFPI), at ang mga nangangasiwa ng Adamson University (AdU), daan-daang estudyante, at ilang senior citizens and may kapansanan (PWDs) ang nabigyan ng pagkakataong makakuha ng kanilang concessionary (white) beep™ cards na may 50% discount sa pamasahe sa pagsakay sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.

Ang AdU CS walkway ang naging sentro ng aktibidad, kung saan maagang pumila ang mga estudyante upang magpatala at makakuha ng kanilang concessionary beep™ cards on-the-spot matapos ang ilang minuto. Bukod sa mabilis na proseso, aktibong nakipag-usap ang beep™ Card Caravan team upang masigurong malinaw ang bawat detalye ng paggamit ng card, mula pag-load, pag-iingat sa card, hanggang sa mga dapat gawin sakaling mawala ang card.

Para sa mga araw-araw na tumatawid ng lungsod, patungo o mula sa AdU, malaking bagay ang diskuwentong dulot ng concessionary beep™ card. Ibinahagi ni Mathew, isang HUMSS student, ang kanyang naging karanasan sa pagkuha ng personalized beep™ card:
“I didn’t expect na magiging mabilis. Yung 50% discount, it would help me a lot po dahil I always use the LRT—sobrang makakatulong po ito.”

Malinaw sa naging turnout ng beep™ card caravan maraming mag-aaral at kawani ng AdU ang maaaring makinabang sa programang ito. Para sa nakararami, ang malaking train fare discount ay hindi lamang upang makatipid, kung di suporta na rin ito sa pag-abot ng kanilang pangarap, sa gitna ng araw-araw na hamon ng pagko-commute.

Sa pagpapatuloy ng Concessionary Card Issuance Program (CCIP), nananatiling commited ang AFPI at DOTr na makipagtulungan sa iba’t ibang paaralan at mga institusyon upang makapagbigay ng direktang serbisyo upang masiguro na ligtas, mabilis, at abot-kaya ang paglalakbay ng Pinoy commuter.
Lubos ang pasasalamat ng mga nangasiwa ng caravan sa Adamson University community, lalung-lalo na maayos na koordinasyon at mainit na pagtanggap sa DOTr at AFPI.
Saan ang susunod na stop ng beep™ Card Caravan?
Abangan—baka sa campus ninyo na makakamit ang next discounted train journey!






