Sa pagpasok ng buwan ng Kapaskuhan, isang masigla at makabuluhang aktibidad ang pinasinayaan sa Rizal Technological University (RTU) Main Campus sa lungsod ng Mandaluyong. Isinagawa ang beep™ Card Caravan, sa pakikipagtulungan ng RTU Community, Department of Transportation (DOTr) at ng AF Payments Inc. (AFPI).
Ang beep™ card caravan ay naglalayong ihatid nang direkta sa mga estudyante, may kapansanan (PWDs), at senior citizens ang concessionary (white) beep™ cards, na nagtataglay ng fifty percent (50%) discount sa pamasahe sa light rail network (LRT 1, LRT 2 at MRT-3). Maraming RTUians ang dumagsa sa Wellness Building Lobby upang samantalahin ang mabilis at mas maagang pag-proseso ng kanilang mga concessionary cards.

Sa buong araw ng caravan, kapansin-pansin ang maayos na daloy ng proseso, mula pagkuha ng queueing number hanggang sa pag-release ng cards on-the-spot. Ayon kay Mariel A. Dela Trinidad, Head ng Student and Alumni Affairs Services Unit ng RTU, malaking ginhawa ito para sa mga estudyante. Aniya, “Beneficial to our students na medyo hindi afford pumila ng mahaba sa MRT kapag mag-aavail ng beep™ card na 50% off kasi ang balita ko mahaba yung pila… Natuwa po ako kasi meron kaming malapit na station dito which is the MRT-3 Boni Station. Very useful po talaga sa students na commuters dito.” Dagdag pa niya, “Mayroon ding faculty na PWD at Senior Citizen na nag-apply… Maganda yung ginawa na nag-reach out sa schools kasi mas madali ma-implement yung ganitong activities… mas maiging tayo ’yung lumalapit sa community rather than tayo ang nilalapitan. As public servants, kailangan natin silang pagsilbihan para sa kanilang ikagiginhawa. This is a good initiative.”

Hindi rin nagpahuli ang mga estudyante sa pagbabahagi ng kanilang karanasan sa pagsali sa beep™ card caravan. Ayon sa isang Accountancy student, mabilis at maayos ang proseso: “Maganda… may binibigay na number, mabilis yung transaction, makakatulong ito sa akin kasi pumupunta kami sa Manila, lagi kaming sumasakay sa LRT. Yung 50% malaking tulong sa amin.” Si Clarent, isa pang RTU student, ay naghayag rin ng kanyang kasiyahan: “Sobrang bilis ng process at laking tulong sa mga estudyante yung 50% off (sa pamasahe sa tren).”

Ramdam sa mga dumalo ang pangunahing layunin ng beep™ card caravan: ang gawing mas accessible at mas abot-kaya ang pagbiyahe sat ren, para sa mga kapakanan ng mga estudyante, PWD or senior citizen na araw-araw umaasa sa pampublikong transportasyon. Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, patuloy na itinataguyod ng AFPI, ang tagapangasiwa ng beep™ card at ng DOTr ang mas inklusibong serbisyo sa riles, at lubos na malasakit sa ating mga mananakay.

Habang nagpapatuloy ang rollout ng Concessionary Card Issuance Program (CCIP) sa iba’t ibang paaralan, komunidad, at train stations, nananatiling bukas ang pagkakataon para sa mga kuwalipikadong aplikante upang makakuha ng 50% discount sa kanilang pagbiyahe sa tren. Para sa kumpletong impormasyon, kabilang ang mga kakailanganin sa pag-aapply, maaaring sumangguni sa beep™ website: www.beep.com.ph/concessionary.
Abangan ang mga susunod pang beep™ card caravans sa inyong lugar!






